Biktima ng paputok, umakyat na sa 107
MANILA, Philippines — Umakyat na sa 107 ang kabuuang “fireworks-related injuries”, 38% nito ay mula sa NCR, 11% mula sa Central Luzon, 11% sa Ilocos Region, 7% mula sa Soccsksargen, at 5% mula sa Cagayan Valley.
Sa Fireworks Related Incident #9 ng Department of Health (DOH) mula Disyembre 29-30 ng umaga, nakapagtala ng 11 bagong kaso ng naputukan mula edad 6-72 taong gulang at karamihan (82%) ay mga lalaki.
Kabilang dito ang 72-taong gulang na lolo mula sa NCR na naputukan ng kwitis na sinindihan ng iba, habang isang 19-taong gulang na lalaki mula sa Cagayan Valley naman ang naputulan ng kaliwang kamay nang maputukan ng iligal na paputok na “Pla-pla”.
“Fireworks injuries spare no one: young or old, male or female, active or passive in involvement,” ayon sa DOH.
Sinabi ng DOH na malinaw ang datos nila, karamihang nangyayari ang mga insidente sa loob ng bahay o sa kalsada na kinasasangkutan ng mga batang lalaki. Ngunit marami ring nakikinood o napapadaan lang ang nagiging biktima rin ng paputok maging anong edad o kasarian.
- Latest