MANILA, Philippines — Inatasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga sangkot na ahensya ng pamahalaan na pabilisin ang implementasyon ng mga programa para sa pagbangon, rekonstruksyon at rehabilitasyon ng siyudad ng Marawi.
Isinasaad ito ng inilabas na Administrative Order No. 14 ni Marcos, na layong ayusin ang lahat ng gawain ng mga kagawaran ng gobyerno na sangkot sa programa.
Pinawalang-bisa rin ng Pangulo ang AO No. 03 at 09 series of 2017 na nagtatatag sa Task Force Bangon Marawi (TFBM). Ito ay sa dahilan na “redundant” o nauulit lamang ang gawain nito kaya ipahihinto na ito sa pagsapit ng Marso 2024.
Sa pagpapasimple ng mga gawain ng mga ahensya ukol sa Marawi, naniniwala si Marcos na mababawasan ang mga delay sa mga proyekto, mas magiging episyente at magkakaroon ng maayos na tulungan.
“To ensure institutional stability, it is imperative to institutionalize and strengthen the functions of implementing government agencies involved in the reconstruction and rehabilitation efforts in the City of Marawi and other affected localities,” ayon sa kautusan.