294 MILF, MNLF members nanumpa sa PNP
MANILA, Philippines — Umaabot sa 294 miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF) ang nanumpa bilang mga bagong regular na miyembro ng Philippine National Police (PNP) sa Central Mindanao kamakalawa.
Inihayag ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr., na ito’y bahagi ng proseso ng integrasyon sa PNP ng mga nagsisukong MNLF at MILF sa ginanap na seremonya sa Police Regional Office -Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) Headquarters.
“Sa pangunguna ng ating mahal na Pangulong [Ferdinand] Bongbong Marcos [Jr], we remained to be steadfast dito sa [dBangsamoro] peace process. Dito ninyo makikita ang sinseridad, ang kabaitan ng ating Pangulo, ng ating gobyerno,” ayon kay Abalos.
Binigyang diin ni Abalos na ang proseso ng recruitment ng NAPOLCOM ay transparent, patas kung saan ang MILF at MNLF candidates ay nalagpasan ang pagsasanay ng may merito.
“Walang puedeng magsabi na ito ay palakasan. Walang puwedeng magsabi na ito ay binayaran. We made sure na hindi ganoon. Lahat kayo ay pinagpaguran niyo ito through [your own] merits,” ayon kay Abalos.
Kasabay nito, nanawagan ang DILG Chief sa mga bagong recruits ng PNP na huwag susuko at manatiling matatag sa gitna ng mga pagsubok na maaaring kaharapin at paghandaan din ang deployment sa BARMM.
“You will be training physically, mentally to become instruments of peace. Undeniably, you will face challenges, hardship, struggles. At the end of this road, there is triumph. Kung merong bagyo, merong araw. Kung may kadiliman, merong kalinawan,” ani Abalos.
Sa panig naman ni BARMM Deputy Senior Minister Abdullah Cusain na kumatawan kay Interim Chief Minister Ahod Balawag Ebrahim, pinapurihan nito ang mga bagong PNP recruits na hinikayat nitong maging mabubuting public servants.
- Latest