DSWD handa sa 'one-time ayuda' sa mga apektado ng PUV modernization
MANILA, Philippines — Maaaring mag-avail ng ayuda mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga jeepney drivers na posibleng mawalan ng trabaho sa pagpapatupad ng public utility vehicle (PUV) modernization program.
Biyernes nang ibinahagi ito ng isang DSWD official dalawang araw bago ang December 31 consolidation deadline sa ilalim ng PUVMP. Ang mga hindi makapagkokonsolida sa ilalim ng mga kooperatiba ay pagbabawalang pumasada simula Pebrero 2024.
"It is possible that they can avail of [Assistance to Individuals in Crisis Situation] since they can be categorized as in crisis," ani DSWD Program Management Bureau Director Miramel Laxa sa isang pahayag.
"Availing of AICS can help them meet their basic needs through different forms of assistance such as food, and cash aid, among others."
Bukod sa food at cash assistance, maaaring makakuha rito ng medical, funeral, educational at transportation aid. Maaaring makita ang kinakailangang requirements para sa AICs dito.
Bagama't makatutulong, aminado ang DSWD official na isang beses lang itong pwedeng ibigay ng kagawaran. Wala rin silang ibinigay na eksaktong halaga ng ayuda.
"It would be better to also consider them for livelihood programs and grants offered by different government agencies," dagdag pa ni Laxa.
Una nang sinabi ng Piston atbp. progresibong grupong posibleng mawalan ng trabaho ang nasa 140,000 tsuper at 60,000 small-scale operators na hindi pa rin makapagkokonsolida.
Matapos ang ika-31 ng Disyembre, may 27 buwan na lang ang mga PUVs gaya ng tradisyunal na jeep at UV Express, na magtransisyon patungo sa mga "environmental friendly" vehicles. Umaaray dito ang maliliit na driver at operator dahil sa aabutin ng higit P2 milyon ang kada unit.
Gobyerno desidido sa consolidation deadline
Sa kabila ng pagpalag ng mga transport groups sa napipintong PUV phase out, muling nagmatigas ang Department of Transportation (DOTr) na mananatili ang deadline bago magtapos ang taong 2023.
"The PUV consolidation deadline stays," wika ni Transportation Secretary Jaime Bautista ngayong Huwebes.
"This initiative has gained the support of majority of our PUV operators as around 70% of them have already taken part in the consolidation process."
Una nang ipinunto ng samu't saring grupo na misleading ang 70% consolidation data lalo na't una nang inamin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na isinama sa datos na 'yan ang mga pampasaherong bus.
Tiniyak naman niyang makatutulong ang PUV modernization sa pagsugpo sa prooblema ng mga komyuter pahgdating sa mas malinis at mas ligtas na pampublikong transportasyon.
'Matinding man-made crisis sa 2024'
Nababahala naman ang Kabataan Party-list sa pagmamatigas ng gobyerno, lalo na't maaari raw malumpo ang pambansang transport sector pagsapit ng 2024 kung sakali.
"Despite knowing that many jeepney operators in the busiest urban center in the Philippines haven’t done so, they will still push through with this phaseout policy that will harm commuters, drivers, and operators," ani KABATAAN executive vice president Renee Co.
"Marcos Jr. forcing jeepney drivers to consolidate under threat of revoking their franchises is manipulative and plays to the jeepney drivers’ worst fears of having their livelihoods forever taken away from them."
Dagdag pa nila, ang kasalukuyang itsura ng PUVMP ay problematiko at pagkikitaan lang diumano ng mga nagbebenta ng imported at "outdated" e-vehicles.
Nakababahala rin daw ang kwento ng ilang kabataan sa social media sa dahilang mapipilitan daw silang mahinto sa pag-aaral oras na mawalan ng trabaho ang kanilang mga ama.
"We call on the young public to be present with the united Filipinos in this mobilization, to make their stories and voices heard, and to act now to avert disaster," dagdag ni Co.
"Let us save our country from mass unemployment and the looming transportation crisis."
- Latest