MANILA, Philippines — Hinikayat ng Department of Health (DOH) kahapon ang mga ama at kuya na maging ehemplo sa nakababatang anak o kapatid sa pag-iwas na magbigay o bilihan sila ng paputok ngayong pagsalubong sa Bagong Taon para makatiyak na buo pa rin ang kamay ng lahat sa 2024.
“Ang mga ama at kuya ay dapat maging halimbawa para sa mga kabataang lalaki sa kanilang pamilya,” ayon sa panawagan ng DOH.
Sa FWRI (Fireworks Related Incident) Report #6 ng DOH mula Disyembre 26-27, 23 bagong kaso ng naputukan ang nadagdag sa talaan, sanhi para tumaas ang kabuuang bilang ng naputukan sa 75.
Kasama sa mga bagong kaso ang dalawang tinedyer na naputulan ng daliri makaraang maputukan nang sinindihan nilang iligal na paputok na “Pla-pla”. Dahil dito, umakyat sa anim ang bilang nang naputulan ng daliri, kamay o braso.
Sa kabuuang bilang ng mga naputukan, 40% nito ay nangyari sa Metro Manila, 12% sa Central Luzon, at 8% sa Ilocos Region.
“Ang paputok ay hindi laruan. Maganda silang tingnan, ngunit nakamamatay na hawakan. Dapat magregalo ng kumpletong mga kamay at daliri sa kanilang mga anak ang bawat magulang,” ayon pa sa DOH.