No extension sa December 31 deadline sa PUV consolidation - DOTr
MANILA, Philippines — Nanindigan ang Department of Transportation (DOTr) na wala nang extension na gagawin ang pamahalaan hinggil sa December 31, 2023 deadline para sa consolidation o pagsasama-sama sa isang kumpanya o kooperatiba ang lahat ng pampasaherong sasakyan sa buong bansa.
Sinabi ni Transportation Undersecretary John Batan, tagapagsalita sa usapin ng PUV Modernization ng LTFRB, hindi anya nagbabago ang desisyon ng pamahalaan sa itinakdang deadline ng consolidation ng mga pampasaherong sasakyan hanggang December 31 upang mabigyang daan na ang jeepney modernization program ng pamahalaan. Ito anya ay sa kabila ng mga request ng mga jeepney group na ma-extend pa ang deadline sa jeepney consolidation.
Kaugnay nito, sinabi rin ng militant transport group na Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (Piston) na kahit ipagpilitan ng gobyerno ay hindi sila pasasailalim sa consolidation.
Sa panayam kay Mody Floranda, national president ng Piston, sinabi niya na pahirap sa mga jeepney operators at drivers ang consolidation dahil tanging ang nangangasiwa sa kumpanya o kooperatiba lamang ang makikinabang dito.
Inereklamo rin ni Floranda ang mahigit P300,000 na membership fee na kinukuha sa isang operator ng jeep oras na magpamiyembro ito sa kooperatiba at wala silang P2.8 milyong pondo para ipambili ng isang sariling airconditioned jeep para makapag-operate.
Anya, hihintayin ng Piston ang gagawing desisyon ng Korte Suprema sa kanilang apela na maihinto ang PUV consolidation at jeepney modernization.
Sinabi ni Floranda na December 20 ngayong taon nila naisampa ang apela sa SC at inaasahang magpalabas ito ng desisyon sa December 28 o hanggang sa unang linggo ng Enero 2024
Bukod dito, bago anya ang December 31consolidation deadline ay magsasagawa sila ng isang malawakang tigil pasada upang iparating sa pamahalaan ang kanilang kahilingan na maihinto ang jeepney consolidation at PUV modernization.
May 100-libo anyang miyembro ang Piston na maaaring magutom at madagdag sa mga jobless pinoy sa susunod na taon.
Giit ng Piston na isailalim sa rehabilitasyon ang mga unit at huwag mai-phaseout sa pamamagitan ng jeeney consolidation at PUV modernization.
- Latest