5 naputulan dahil sa paputok
MANILA, Philippines — Lima na ang naiulat na naputulan ng kamay at mga daliri dahil sa paputok.
Base sa ika-5 araw ng pagbabantay ng Department of Health (DOH), ang mga sangkot ay tatlong menor-de-edad at dalawang matatanda, pawang mga lalaki.
“Masakit, magastos, at kagimbal-gimbal ang mawalan ng daliri, kamay, o braso. Naitala ngayon ng DOH ang limang kaso ng traumatic amputations dahil sa paputok,” ayon sa DOH.
Isinisi ng ahensya sa mga insidenteng ito ang mga iligal na Boga, Plapla, Five-star, at Goodbye Philippines fireworks, at ang legal na whistle bomb.
Sa huling Fireworks Related Incident Report #5 mula Disyembre 25-26 ng umaga, 24 kaso ng naputukan ang nadagdag sa kanilang talaan.
May mga edad sila na mula 5 hanggang 52 taong gulang. May 22 insidente nito ay nangyari sa loob ng bahay o kalapit na kalye.
“Ang kabuuang bilang ay nasa 52 kaso na, kung saan ang NCR (20, 38%) at Regions III (6, 12%) at XII (5, 10%) ay nag-aambag sa anim sa bawat 10 kaso,” ayon pa sa DOH.
- Latest