MANILA, Philippines — Nanawagan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga Filipino na gunitain ang panahon ng kapaskuhan sa pagtulong sa mga nangungulila, may mga sakit at sa mga mahihirap.
Sa Christmas message ng Pangulo, karaniwang pananampalataya ng mga Filipino ay pagbibigay karangalan sa kapanganakan ni Kristo at pagpapasalamat sa Diyos sa pamamagitan ng tradisyon tulad ng simbang gabi, pagbibigay ng regalo at kasiyahan sa mga pamilya at mga kaibigan.
“But more than just a day of celebration, let us be reminded that the true meaning of Christmas lies in the recognition of the season as an opportunity to reach out to those who are suffering from solitude, sickness, and poverty,” anya pa.
Wala pa rin umanong mas magandang paraan para mamahagi ng regalo ngayong kapaskuhan kundi ipakalat ang pag-asa sa mga higit na nangangailangan nito ngayong kapaskuhan.
Hinikayat din ng Pangulo ang sambayanan na pag-alabin ang kanilang puso ng mabuting kalooban, kabaitan at malasakit habang ipinagdiriwang ang kapaskuhan sa kanilang tahanan at komunidad at sa pamamagitan nito ay hindi lamang tayo magdadala ng kapayapaan, pag-ibig at pagkakaisa kundi isang buhay na instrumento ng gawa ng Diyos dito sa mundo.
Kasabay nito, binati rin niya ang mga Filipino ng Maligayang Pasko.