MANILA, Philippines — Pinabulaanan ng Official Gazette — na pinatatakbo ng Presidential Communications Office — ang kumakalat na proklamasyon kuno ng special half-working day ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.
Kamakailan lang kasi nang lumutang ang pekeng Proclamation 427 na pirmado ni Marcos at Executive Secretary Lucas Bersamin, bagay na walang katotohanan.
Related Stories
"The document circulating as Proclamation No. 427, declaring Friday, 22 December 2023, as a special (half-working) day throughout the Philippines under the signature of President Ferdinand R. Marcos Jr., is false," wika ng Official Gazette of the Republic of the Philippines sa Facebook, Huwebes.
"It has been edited to appear as an official government declaration, but it lacks any official status or authentication."
Sa pekeng proklamasyon, sinabing nagdesisyon si Marcos na magpatupad lang ng "kalahating araw" na pasok sa buong Pilipinas sa Biyernes dahil na rin sa inaasahang mabigat na trapiko dulot ng Kapaskuhan at Bagong Taon.
Aniya, mabibigyan daw nito ng oportunidad ang publiko na makabiyahe patungo sa kani-kanilang bahay at probinsya bilang paghahanda sa mga naturang pagdiriwang kasama ang kani-kanilang pamilya.
Sa ulat ng dzBB, sinabing aminado si Presidential Assistant for Strategic Comms Cesar Chavez na siya mismo ang nagpaskil ng diumano'y pekeng "Proclamation 427" sa kanyang Facebook, bagay na kanya namang binawi. Humihingi na siya ng paumanhin dito.
"Citizens are strongly advised to seek information from legitimate government sources and avoid sharing unverified or manipulated content," wika ng Official Gazette.
Una nang idineklara ng gobyerno bilang regular holiday ang Pasko (ika-25 ng Disyembre) at Rizal Day (ika-30 ng Disyembre).
Maliban pa ito sa "additional special non-working days" ang ika-26 at ika-31 ng Disyembre.