MANILA, Philippines — Posibleng umabot sa 50,000 jeepney drivers sa Metro Manila ang hindi na makabiyahe at tuluyang mawalan ng trabaho sa pagsisimula ng taong 2024.
Sinabi ni MANIBELA President Mar Valbuena, ito na umano marahil ang pinakamalungkot na Pasko sa hanay ng libu-libong mga jeepney drivers ngayong taon dahil bubulagain sila ng ‘jobless’ na status sa Bagong Taon.
Ito’y sanhi ng pagtanggi ng mga jeepney drivers at ng kanilang mga operators sa ‘franchise consolidation’ matapos magbigay ng ultimatum ang gobyerno na hanggang Disyembre 31, 2023 sa PUV Modernization Program.
Aminado si Valbuena na lubhang napakahirap ng sitwasyon ng mga jeepney drivers at mga operators dahil masyado umanong mahal ang ipinagpipilitan sa kanilang bilhin na mahigit P2 milyong modernong jeepney na kung tutuusin ay mga mini bus na gawang China.
Sinabi ni Valbuena na inamin na ng mga operators na hindi nila kayang bilhin ang napakamahal na modernong jeepney na bago pa umano mabayaran ng buo ay sira na dahil mahinang klase ito o palpak ang kalidad na laging suki sa talyer kaya malulugi lamang ang mga bibili nito.
Bukod dito, ang operators ay kailangang may 15 units ng nasabing modern jeepney at dito’y mas mapapaboran aniya ang mga malalaking negosyante.
Ayon pa kay Valbuena, namemeligrong hindi na makabiyahe pa sa Metro Manila ang nasa 50,000 jeepney units gayundin ang iba pang mga UV Express Units bilang resulta ng PUV Modernization Program.
Kaugnay nito, kaliwa’t kanang kilos protesta ang nakatakdang isagawa ng transport groups bilang protesta sa PUV Modernization Program na anila’y anti-poor.