Sa naglipanang online scams
MANILA, Philippines — Pinag-aaralan ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ang pagsasampa ng kaso laban sa tatlong malalaking social media platforms bunsod ng pagdami ng online scams.
Ayon kay CICC Executive Director Alexander Ramos bigo ang Facebook, Instagram, at X na dating Twitter na pigilan ang online scams o panloloko sa publiko.
“Hindi lang Facebook, tatlong platforms ang aming kakasuhan. Magpa-file kami ng official complaint na,” ani Ramos.
Sinabi ni Ramos na bigo ang mga nasabing platforms na maproteksiyuhan ang mga consumers mula iba’t ibang uri ng modus, raket sa online.
Bagamat may karapatan ang publiko na mag-post ng mga scammer tila hindi naman inaaksiyunan ito ng FB, Instagram at X.
Hindi umano ipinatutupad ng tatlong social media platforms ang batas upang hindi mabiktima ang mga consumers.
“Sa rami ng ano namin dito eh hindi sila nagko-cooperate towards implementation of local laws natin. For them to operate lalong-lalo na pagdating sa negosyo, online commerce, dapat they should adhere to local regulations also,” dagdag pa ni Ramos.
Binigyan diin na rin ni Trade and Industry (DTI) Assistant Secretary Amanda Nograles na maaaring iregulate ng pamahalaan ang mga foreign businesses na nagsasagawa ng pagnenegosyo sa bansa kabilang na ang pagtatanggal sa online post ng mga kahina-hinalang online sellers at pagpapataw ng multa.
Naniniwala si Nograles na dapat namomonitor ng mga social media companies ang mga negosyong gumagamit sa kanila.