Sekyu ’wag gawing parking attendants, service crew — PNP
MANILA, Philippines — Pinaalalahanan ng Philippine National Police-Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (PNP-SOSIA) ang mga establisimyento na huwag gawing parking attendants, service crew at iba pang gawain na lihis sa kanilang mga tungkulin ang mga security guards.
Sa ibinabang memorandum ng PNP-SOSIA, binalaan dito ang mga business establishments na huwag patungan ng dagdag na trabaho ang mga security guards na wala sa kontrata o sinumpaang tungkulin ng mga ito.
“This is to reiterate SOSIA Memorandum Advisory No.041-2023 pertaining to owners/managers of business establishments who are utilizing their posted private security guards to perform other tasks other than the prescribed functions such as parking/utility attendants, application documents checkers/verifiers, service crew and others while on duty,” saad sa memorandum.
Ang nasabing memo ay ipinaalala ng mga opisyal ng PNP-SOSIA matapos na mabatid na may mga may-ari/managers ng mga business establishments na ipinapatawag ang kanilang security guards kapag marami o dagsa ang kanilang mga kustomers o kliyente.
Anang PNP-SOSIA, dagdag trabaho ito sa mga sekyu na nakakababa ng kanilang dignidad at nakakagambala sa kanilang tunay na trabaho.
Dapat na anyang mahinto ang naturang maling praktis sa pagtatrabaho ng mga security guards na may mga pagkakataon pa aniya na nagiging service crew na rin sa mga restaurant at fastfood chain.
Kulang na lamang umano ay maghugas ng plato sa mga restaurant at iba pang fastfood chain ang mga security guard na doble ang trabaho dahil ginagawa na ang mga itong service crew.
Tiniyak naman ng PNP-SOSIA sa lahat ng mga Private Security Agencies (PSA) na nasusunod ang mandato ng kanilang mga security guards sa pinagtatrabahuhan ng mga itong establisyemento at hindi ang mga ito ginagawang service crew, parking attendants at iba pa.
- Latest