Sapat na suplay ng bigas sa 2024, tiniyak ng DA
MANILA, Philippines — Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) kahapon na may sapat na suplay ng bigas ang bansa hanggang sa unang quarter ng susunod na taong 2024.
Ayon kay DA Assistant Secretary Arnel De Mesa, bago matapos ang 2023 ay may 20 milyong metric tons ng bigas ang bansa mula sa ani ng mga magsasaka bukod pa sa 95,000 metric tons ng imported na bigas na darating ngayong Disyembre.
Ito ay bahagi ng 295,000 metric tons ng non-basmati white rice mula India.
Anya, noong nag-daang Nobyembre ay may 3.03 milyong metric tons ng imported rice ang dumating sa bansa.
“In terms of production at iyong paparating na bigas, palagi naming sasabihin, we have a stable supply ng bigas,” paliwanag ni De Mesa.
Sa DA monitoring sa mga palengke sa Metro Manila, ang retail price ng local regular milled rice ay umabot na sa P56 per kilo; ang local well-milled rice ay P55/kilo; local premium rice ay P60/kilo at ang local special rice ay P68/kilo.
Umaabot naman sa P58 per kilo ang imported well-milled rice at ang imported premium rice ay P69/kilo habang ang imported special rice ay P65/kilo.
- Latest