MANILA, Philippines — Upang matulungan ang pag-angat ng performance ng mga mag-aaral ng bansa sa mathematical at scientific literacy, isinusulong ni Sen. Win Gatchalian ang pagkakaroon ng pampublikong math at science high school sa lahat ng mga probinsya sa bansa matapos lumabas ang resulta ng 2022 Programme for International Student Assessment (PISA).
Sa ilalim ng panukalang Equitable Access to Math and Science Act (Senate Bill No. 476), ipapatayo ang isang pampublikong math at science high school sa mga probinsyang wala pa nito.
Lumabas sa resulta ng pinakahuling PISA na pang-76 sa 81 na bansa ang Pilipinas pagdating sa Mathematics. Bagama’t 472 ang average na markang naitala sa Mathematics sa mga bansang kasapi ng Organisation for Economic Co-Operation and Development (OECD), umabot lamang sa 355 ang markang naabot ng Pilipinas.
Pagdating naman sa Science, pang-79 sa 81 na bansa ang Pilipinas. Bagama’t umabot sa 485 ang average sa mga bansang kasapi sa OECD pagdating sa Science, umabot lamang sa 356 ang average na naitala sa Pilipinas.
Pagdating sa Mathematics, 84% ng mga mag-aaral na 15-taong gulang ang maituturing na may below minimum proficiency. Pagdating sa Science, 77% ng mga mag-aaral ang nasa below minimum proficiency.
Nababahala si Gatchalian na kung mananatiling mababa ang proficiency level ng mga mag-aaral na Pilipino pagdating sa scientific at mathematical literacy, hindi magkakaroon ang bansa ng sapat at magagaling na siyentipiko, mathematicians, inhinyero, at iba pang mga propesyonal na may mahalagang papel pag-unlad ng bansa.
Aniya, hindi yayabong ang sektor ng research and development kung walang scientifically literate workforce na mag-aangat ng income status ng bansa.