MANILA, Philippines — Itinutulak ngayon ni Sen. Robinhood Padilla ang ilang pagbabago sa 1987 Constitution — bagay na hindi lang papayag sa mas maraming termino ng presidente ngunit pati na rin sa pagdadagdag sa bilang ng senador.
Ito ang inilatag ng presidente sa paghahain ng Resolution of Both Houses of Congress 5 na layong amyendahan ang Sec. 4 at 7 ng Article VI (Legislative Department), Sec. 4 Art. VII (Executive Department) at Sec. 8 ng Art. X (Local Government).
"It is imperative to strike a balance between the need for policy continuity, which requires adequate time for lawmakers to fulfill their legislative agenda, and the need to prevent the accumulation of power, which may lead to political entrenchment," ani Padilla ngayong Huwebes.
Aniya, mahalaga raw ang "allowable extension of service" para mabigyan ng pagkakataon ang mga elected officials na magpatupad ng pangpatagalan at mahahalagang pagbabago.
Sa kasalukuyan, pinapayagan lang presidente ang bise presidenteng maglingkod ng anim na taon.
Hindi pinapayagang ma-re-elect ang presidente kung makapagtrabaho ng apat na taon. Pinapayagan ang hanggang dalawang consecutive terms para sa vice president.
Mga gustong baguhin para sa 'continuity,' 'stability'
Ipinunto ni Padilla na magandang maipatupad ang ilang pag-amyenda sa constitutional terms para ma-"synchronize" ang electoral cycles ng iba't ibang sangay ng gobyerno at para mapabuti ang administrative efficiency.
Sa partikular, narito ang ilang isinusulong ng action-star-turned-politician:
- paghahalal sa presidente at bise presidente bilang "joint candidates" na may apat na taong termino
- pwede ang hanggang dalawang termino sa presidente at bise pero pagbabawalan ang pangulong tumakbo uli sa anumang posisyon
- pagkakaroon ng 52 senador: 24 ay "elected at large" habang 30 ay ihahalal ng qualified voters kada legislative region
- hanggang dalawang consecutive terms lang ang 24 senador na "elected at large" at may terminong walong taon
- hanggang tatlong consecutive terms lang ang 24 senador na "elected by region" at may terminong hanggang apat na taon
- hanggang tatlong consecutive terms lang ang mga miyembro ng Kamara at may terminong hanggang apat na taon
- hanggang tatlong consecutive terms lang ang mga halal na lokal na opisyal ng pamahalaan at may terminong hanggang apat na taon
"The change in the term of Office of the President and Vice President will ensure a balance between leadership stability and democratic continuity," dagdag pa ng senador.
"A joint candidacy for the President and Vice President provides for an electoral landscape that will shift its emphasis from individual personalities to the unified policy agenda and will foster a more strategic and effective governance."
Matatandaang hindi nagkakasundo ang nakaraang administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at dating Bise Presidente Leni Robredo — ang huli ay kritiko ng human rights record ng pamahalaan.
Dati nang binabatikos ng mga progresibong grupo ang mga naunang tangkang baguhin ang 1987 Constitution sa dahilang patatagalin nito sa kapangyarihan ang mga gobyerno opisyal.
Matatandaang lumagpas sa 20 taon bilang presidente ang dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., na siyang ama ni Bongbong.