MANILA, Philippines — Inatasan ng Department of Justice (DOJ) si dating Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr. na magpakita sa isasagawang preliminary investigation na itinakda kahapon at sa Disyembre 19 ukol sa reklamong pagpondo sa mga aktibidad sa terorismo.
Kaugnay ito sa hinaharap na kasong paglabag sa Republic Act 10168 o ang Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012 at RA 11479 o ang Terrorism Act of 2020.
Inatasan ng mga state prosecutors si Teves na maghain ng kaniyang counter-affidavit sa naturang imbestigasyon para mailatag ang kaniyang panig.
Dahil sa nasa ibang bansa pa, ang abogado ni Teves na si Atty. Ferdinand Topacio ang dadalo sa PI ng DOJ panel.
Bukod sa mga kasong terorismo, nahaharap din si Teves sa mga kasong murder, frustrated murder, at attempted murder dahil sa pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at siyam na iba pa. Isang warrant of arrest na ang inilabas laban sa kaniya.
Sa kaniyang mga video messages, paulit-ulit na itinanggi ni Teves ang mga paratang sa kaniya. Iginiit niya na pinag-iinitan lamang umano siya at ayaw niyang umuwi sa Pilipinas dahil sa banta sa kaniyang buhay.
Tinanggal si Teves bilang kinatawan ng Negros Oriental ng House of Representatives dahil sa disorderly conduct nang patuloy na hindi sumipot sa Kongreso at makaraang mapaso ang kaniyang travel authority.