MANILA, Philippines — Hinimok ni Senador Francis “Tol” Tolentino ang gobyerno na lubos na suportahan, gaya ng pagbibigay ng allowance at development programs, ang mga batang Filipino na may angking talento, lalo ang mga nakatira sa malalayong komunidad.
“Wala talagang batas ngayon na kumikilala sa kagalingan ng mga Pilipino at nakikita natin’ na yung gifted children natin ay very limited sa science and mathematics,” ayon kay Tolentino sa panayam ng radyo DZBB.
Ayon sa senador, ang kakulangang ito ang nag-udyok sa kanya na maghain ng Senate Bill No. 655 na kilala bilang “Henyong Kabataang Pinoy Act of 2022.”
“Gawin na itong organisado, institutional na ‘di lang i-recognize iyong lumutang, kumbaga hanapin na,” ani pa ni Sen. Tol.
Binigyang-diin din ng mambabatas na ang kanyang panukalang batas ay naglalayong magbigay ng mas maraming pagkakataon sa mga batang Filipino na may talento sa malalayong komunidad.
“Maraming magagaling pero hindi lang sila nabibigyan ng pagkakataon dahil inaccessible ang kanilang lugar,” sabi ni Tolentino.
Sa nasabing panukalang batas, magkakaroon ng assessment para matukoy ang mga kwalipikadong mag-aaral na tatanggap ng allowance at mapabilang sa development at acceleration programs.