MANILA, Philippines — Matapos ang pag-water cannon sa mga barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) nitong Sabado, ang mga barko naman ng Pilipinas na magsasagawa ng rotation and resupply mission sa BRP Sierra Madre ang binomba ng tubig ng China Coast Guard, kahapon ng umaga.
Ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, sa pagtira ng water cannon ng CCG, nasira ang engine ng M/L Kalayaan.
Magsasagawa ng RORE mission ang M/L Kalayaan kasama ang BRP Cabra at Unaizah Mae (UM) 1 BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea nang bombahin ng CCG.
Nabatid kay Tarriela na maging ang UM1 ay binangga ng CCG vessel.
“Regular RORE to BRP SIERRA MADRE this morning. BRP CABRA, Unaizah Mae 1, and M/L Kalayaan water cannoned by China Coast Guard. M/L Kalayaan suffered serious engine damage. Contrary to China Coast Guard disinformation, UM1 rammed by CCG vessel,” nakasaad sa X ni Tarriela.
Kasabay nito, pinabulaanan ni Tariella ang alegasyon ng CCG, na ang barko ng Pilipinas ang bumangga sa mga CCG.
Ito ang bagong aggression ng China sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas na sakop ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa na sang-ayon na rin sa 2016 UNCLOS Arbitral Award.
Taong 1999 pa nasa Ayungin Shoal ang BRP Sierra Madre na isang World War II ship grounded. Ito rin ang nagsisilbing simbolo ng pagmamay-ari ng Pilipinas sa WPS.
Nitong Sabado, nang walong ulit na bombahin ng CCG ang tatlong barko BFAR na nasa gitna ng supply mission patungo sa Scarborough Shoal.