Monthly contribution ng Pag-IBIG members, planong itaas simula Enero 2024
MANILA, Philippines — Planong itaas ng Pag-IBIG Fund ang monthly contribution ng mga miyembro nito, pati ng kanilang mga employers, simula sa Enero 2024.
Ayon kay Pag-IBIG Fund CEO Marilene Acosta, itutuloy ng ahensya ang implementasyon ng pagtaas sa kontribusyon ng mga Pag-IBIG Fund members oras na sang-ayunan ito ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Bagamat aprubado na ng Pag-IBIG Fund Board ang pagtaas, nagpadala anya ang Pag-IBIG Fund ng memorandum sa Pangulo hinggil dito noong huling linggo ng Nobyembre ngayong taon, para ipaalam ang pagsisimula ng implementasyon ng contribution hike.
Sa ilalim ng Pag-IBIG Fund’s contribution policy, ang maximum fund salary (MFS) na basehan para sa two (2%) contribution rate ay nasa P5,000 kada buwan. Nangangahulugan ito na ang mandatory contribution ng mge miyembro ay nasa P100 kada buwan at P100 para sa employer. Ang mga halagang ito ang nagsisilbing ipon nila sa ahensya na tumutubo kada taon. Ang basehan na ito ay itinakda halos apat na dekada na ang nakakaraan.
Takda sanang magtaas ang Pag-IBIG Fund ng MFS noong taong 2021 at 2022 gayundin ngayong 2023, kung saan ang MFS ay magiging P10,000. Ngunit, hindi ito natuloy at nailipat sa taong 2024 dahil sa epekto ng pandemic sa mga miyembro at business community.
Inaasahan na ang planong pagtaas sa susunod na taon ay may mandatory contribution na P200 para sa mga miyembro at P200 naman para sa employer.
Binigyang diin ni Acosta na ang nasabing dagdag - hulog ay nangangahulugan ng pagtaas din ng kanilang ipon sa ahensya, mas mataas na taunang dibidendo at mas malaking halaga na mahihiram sa kanilang cash loan.
Dagdag pa ni Acosta, ang malilikom na dagdag pondo ng ahensya dahil sa pagtaas ay makakatulong sa pag-finance ng mas maraming housing units.
Sinabi ni Acosta na taong 1986 pa nagkaroon ng taas sa monthly contribution ang ahensya. Ang Pag-IBIG Fund ay may 15.8 million active members nationwide.
- Latest