MANILA, Philippines — Personal na pinangunahan ni Senator Christopher “Bong” Go ang relief operation sa Pamplona, Cagayan para sa mga residenteng nagrerekober pa mula sa epekto ng Bagyong Egay.
Kasama ni Go sa pagbisita sa mga typhoon survivors sina Pamplona Mayor Digna Puzon Antonio at Vice Mayor Arnie Angelica Fernandez, Santa Praxedes Mayor Esterlina Aguinaldo, Sanchez Mira Mayor Abraham Bagasin, at Abulog Vice Mayor Jeff Vargas, at iba pa.
Isinagawa ang relief operation sa Pamplona Cultural and Sports Center noong Huwebes, Disyembre 7, kung saan kabuuang 961 pamilya mula sa Pamplona, Sanchez Mira, Sta. Praxedes at Claveria ang natulungan.
Lahat sila ay tumanggap ng grocery packs, meryenda, bitamina, kamiseta, maskara, at bola para sa basketball at volleyball mula sa senador. Mayroon ding mga piling indibidwal na tatanggap ng relo, sapatos, bisikleta, at mobile phone.
Samantala, sa pamamagitan ng inisyatiba ni Go, pinalawig ng National Housing Authority (NHA) ang mga kwalipikadong benepisyaryo ng emergency housing assistance upang tulungan silang magkabahay muli.
“Sinikap din natin na mabigyan sila ng National Housing Authority ng ayuda pambili ng housing materials tulad ng pako, yero at iba pa upang maisaayos muli ang kanilang mga tirahan,” ani Go. “Itong EHAP program, isinulong ko ito noon at patuloy na sinusuportahang mapondohan ang programa ngayon upang mas marami pang mga biktima ng sakuna ang makapagpatayo ng maayos na bahay at makabangon muli mula sa trahedya.”
Nanawagan rin si Go para sa isang whole-of-nation approach sa pagtulong sa komunidad na apektado ng iba’t ibang krisis at kalamidad upang mas mabilis na makarekober at makapag-rebuild.
Pinasalamatan rin niya ang lahat ng taong nagtutulung-tulong upang mabigyan ng ayuda at suporta ang mga biktima ng mga kalamidad.