Barko ng BFAR binomba ng tubig ng China
MANILA, Philippines — Tatlong barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang binomba ng tubig ng Chinese Coast Guard (CCG) habang nasa gitna ng supply mission patungo sa Scarborough Shoal.
Tumagal ang pagtira ng water cannon sa mga barko ng Pilipinas ng tatlong oras mula alas-9 ng umaga hangang alas-12 ng tanghali.
Iikot sana sa mga isla ang mga barko ng BFAR para mamahagi ng petrolyo at iba pang supply pamasko sa mga mangingisdang Pilipino na lumalaot sa lugar.
Habang binobomba ng tubig ang BFAR vessels, nakabantay naman ang Chinese militia vessels sa ‘di kalayuan.
Ayon sa mga opisyal ng BFAR vessel, ito ang unang pagkakataon na binomba sila ng tubig ng Chinese vessel. Dati-rati ay sinusundan lamang umano sila ng mga ito kapag may misyon sila.
Mahigit 30 Pinoy fishing vessels malapit sa Bajo De Masinloc sa West Philippine Sea ang dalhan ng suplay ng BFAR.
Bago ang pambobomba, nag-isyu ng babala ang Chinese vessel na umalis sa lugar dahil sa teritoryo umano ng China ang Scarborough shoal. Hindi ito pinansin ng BFAR vessel na iginiit na nasa “exclusive economic zone” ng Pilipinas ang bahagi ng karagatan.
Kabilang sa mga hinarang at binomba ng water cannons ay ang BFAR vessels Datu Sanday, Datu Bankaw at Datu Tamblot.
Ayon sa National Task Force West Philippine Sea (NTF-WPS), walong beses umanong binomba ng water cannons ng Chinese Coast Guard ang BFAR vessels.
Samantala nagkaroon din umano ng mapanganib na pagmamaniobra ang Chinese maritime militias na nagdeploy ng Long-Range Acoustic Device (LRAD) laban sa BFAR vessels.
“Water cannon action have resulted in significant damage to BFAR vessel Datu Tamblot’s communication and navigation equipment, as it was directly and deliberately targeted by the China Coast Guard,” ayon pa sa report.
Nabatid pa na naglagay muli ng mga floating barriers ang Chinese Coast Guard sa southeast entrance ng Bajo de Masinloc.
“We demand that the Chinese government take immediate action to halt these aggressive activities and uphold the principles of international law and desist from actions that would infringe on Philippine Sovereignty and endanger the lives and livelihood of Filipino fishermen who have traditionally fished in the area,” ayon sa NTF-WPS na kinondena ang insidente.
“We firmly insist that these Chinese vessels leave Bajo de Masinloc (Scarborough Shoal) immediately,” dagdag pa ng NTF-WPS.
Nabatid na ang BFAR vessel ay nasa kanilang humanitarian at support mission para mamahagi ng oil at iba pang supplies sa mga mangingisda sa lugar na apektado ng pambu-bully ng China nang mangyari ang insidente.
- Latest