MANILA, Philippines — Hawak na ngayon ng militar ang isa sa mga itinuturong suspek sa madugong pagpapasabog sa Dimaporo Gymnasium sa Mindanao State University (MSU) sa Marawi City noong Linggo.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Public Affairs Office Chief, Colonel Xerses Trinidad, nasukol ng mga awtoridad si Jafar Gamo Sultan, alyas Jaf at Kurot.
Batay sa ulat, naaresto si Sultan sa ikinasang operasyon ng mga tropa ng Joint Task Force Marawi gayundin ng Marawi City Police Office nitong Disyembre 6 sa Barangay Dulay Proper sa Marawi City sa tulong ng mga impormante, kabilang ang mga Muslim religious leaders.
Si Sultan ay kasamahan ng isang alyas Omar, na siya namang tinukoy ng mga testigo na nagdala ng improvised explosive device sa Dimaporo Gymnasium habang nagsasagawa ng isang misa.
Lumalabas kasi sa inisyal na imbestigasyon, kabilang si Sultan sa mga kasabwat sa pagpapasabog.
Iniulat din ni Trinidad na narekober din nila ang dalawang motorsiklo sa isinagawang operasyon habang patuloy pa ring tinutugis ang iba pang mga suspek sa pagpapasabog.
Una nang pinangalanan ng PNP sina Kadapi Mimbesa alyas “Engineer” at Arsani Mimbesa o alyas “Khatab” na kapwa miyembro ng Dawlah Islamiyah - Maute Group.
Wala pang tugon ang AFP at PNP sa kung magkaiba o iisa ang tinutukoy na mga suspek sa Marawi bombing.
Sa hiwalay na pahayag nitong Biyernes ni Bangsamoro regional police director Brig. Gen. Allan Nobleza at ng mga opisyal ng Philippine Army 103rd Infantry Brigade na sakop ang Marawi City at ang buong probinsya ng Lanao del Sur, maraming local executives ang tumutulong sa paghanap sa iba pang mga sangkot sa pambobomba, kabilang sa kanila sina Arseni Mimbesa at Wahab Macabayao.
Apat na Katoliko ang nasawi at mahigit 40 ang mga nasugatan sa nasabing MSU gym nitong umaga ng Linggo.