MANILA, Philippines — Nagpahayag ng suporta sina Presidential Adviser for Anti-Poverty Alleviation Secretary Larry Gadon, Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) President Sergio Ortiz at ilang private workers sa desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., hinggil sa dalawang reclamation project sa Pasay City.
Sa pulong-balitaan ng Partners’ Forum na ginanap sa Quezon City Sports Club, nilinaw ni Gadon na suportado din niya ang suspensiyon naman sa 22 reclamation projects sa bansa.
Aniya, ang dalawang reclamation projects sa Pasay ay makakalikha ng maraming trabaho sa mga kababayang Filipino na dumaranas ng hirap sa ngayon.
Nanawagan din si Gadon sa Department of Environment and Natural Resources na maglabas ito ng tamang polisiya sa mga nakaumang na mga reclamation projects, upang hindi maantala ang pag-unlad ng bansa.
“May mga sinasabi (ang DENR) na mga violations ng mga kumpanyang involved sa reclamation diyan sa Pasay. Hindi naman tinutukoy ang mga ito. Nababalam ang proyekto na makakapagbigay ng maraming kabuhayan sa mga mahihirap nating kababayan,” paliwanag ni Gadon.
Si Ortiz naman ay nagsabing ang DENR ay tumutukoy lamang sa mga “potential violations” na maaari pang di nangyayari o nagagawa ng mga proponents ng reclamation projects na nabanggit.
Ikinagagalak naman ni Amorsolo Competente ng Lakas Manggagawa Labor Center ang pagsuporta kay Marcos dahil hindi lamang daan kundi daang- libong manggagawa ang makikinabang sa mga proyektong ito lalo na ang nasa Pasay City.