MANILA, Philippines — Graduate ng Mindanao State University (MSU) si Kadapi Mimbesa alias Engineer, isa sa mga sinasabing nasa likod ng pagsabog sa Dimaporo Gymnasium sa nabanggit na unibersidad nitong Linggo.
Ayon sa mga saksi, kilala si Mimbesa na mabuting tao subalit kakaiba ang ikinilos nito bago maganap ang pagsabog na ikinasawi ng apat katao at ikinasugat ng 50 iba.
Kapansin-pansin din ang pagiging tensiyonado ni Mimbesa at nakatutok lamang sa kanyang cellphone.
Nakita rin sa CCTV footage ang paglabas nito ng gymnasium dakong alas-9 ng umaga na sinundan ng isa pang Arsani Membisa alyas Khatab.
Sinabi naman ni PNP spokesperson PCol. Jean Fajardo, umalis ng gymnasium ang POIs kung saan isa rito ay gumamit ng cellphone na posibleng hudyat ng pagpapasabog.
Napag-alaman na sina alyas Engineer at alyas Kathab at ikatlong POIs ay miyembro ng terrorist group na Daulah Islamiyah-Maute at may mga warrant of arrest.
Sinasabing bihasa sa paggawa ng improvised explosive device si alyas Engineer habang may nakabinbing kasong murder si alyas Khatab.
Naglabas na ang pamahalaan ng P600,000 para sa ikadarakip ni alyas Engineer.