MANILA, Philippines — Isinulong ni Senador Francis “Tol” N. Tolentino, tagapangulo ng Senate committee on justice and human rights, ang Committee Report No. 170 na nagrerekomenda ng mas mataas na parusa para sa paglabag sa Kasambahay Law.
Ang Committee Report No. 170 ay naglalaman ng mga resulta ng motu proprio investigation na pinasimulan ni Senator Tolentino matapos lumabas sa social media ang mga ulat ng pagmamaltrato kay Ms. Elvie Vergara.
Sa kabila ng pagsasabatas ng Republic Act 10361 o ang Batas Kasambahay, ang mga kasambahay o domestic worker ay dumaranas pa rin ng iba’t ibang uri ng pang-aabuso na ginagawa ng kanilang mga amo tulad ng walang day-off at holidays, mababa sa minimum na sahod at walang tamang mandatoryong benepisyo, pang-ekonomiya at sekswal na pagsasamantala, pisikal, emosyonal, at sekswal na pang-aabuso, at mapanganib na kapaligiran sa trabaho.
Kaya naman, inirekomenda ni Sen. Tolentino na amyendahan ang Batas Kasambahay (RA 10361) sa pamamagitan ng: pagbibigay ng partikular na kriminal na pananagutan sa mga abusadong employer na may kaukulang parusa sa anumang kamatayan o pisikal na pinsala na natamo ng kasambahay, panagutin ang opisyal o empleyado ng lokal na pamahalaan na hiningan ng tulong ng isang inabusong kasambahay ngunit nabigong kumilos o nagdokumento ng kaso, magtatag ng Kasambahay Registry at Kasambahay Help Desk at/o Kasambahay Hotline sa bawat barangay hall, munisipyo o city hall, at sa bawat munisipyo, lungsod, o rehiyonal na tanggapan ng DSWD, DOLE at panawagan sa DSWD, DILG, DOLE, DOJ, CHR, at iba pang kasangkot na ahensya ng gobyerno na palakasin ang kanilang koordinasyon, sa pamamagitan ng napapanahong mga kasunduan at memorandum na may kinalaman sa pagsubaybay sa kasambahay.
Ayon kay Sen. Tolentino, sinampahan na ng mga kasong kriminal para sa serious illegal detention at serious physical injuries sa ilalim ng Revised Penal Code at mga paglabag sa anti-human trafficking law, at Kasambahay Law ang mga amo na nang-aabuso kay Ms. Elvie Veraga.