MANILA, Philippines — Apat ang kumpirmadong patay habang 45 ang sugatan sa pagpapasabog sa Dimaporo Gymnasium Mindanao State University, Marawi City kahapon ng umaga.
Sa inisyal na report ni PNP-Police Regional Office-Bangsamoro Autonomus Region (PRO BAR Director PBGen. Allan Cruz, tatlo ang dead-on-the-spot habang isa ang namatay sa Amai Pakpak Medical Center. Nasa Code Blue ang nasabing ospital.
Ayon kay Nobleza, nangyari ang pagsabog alas-7:30 ng umaga habang nagmimisa na dinaluhan ng mga estudyante at guro.
Sinabi ni Nobleza na tinitignan din nila ang anggulo ng paghihiganti matapos na mapatay sa operasyon ang nasa 11 miyembro ng Dawlah Islamiyah (DI) kabilang ang lider nito noong Disyembre 1 sa Datu Hoffer Ampatuan, Maguindanao del Sur.
Naka-full alert status ang PNP sa lahat ng probinsiya na sakop ng PRO BAR.
Napag-alaman naman kay Police Maj. Gen. Emmanuel Peralta, chief of PNP directorial staff, improvised explosive device (IED) ang ginamit sa pagpapasabog.
Nagsasagawa na ng post blast investigation ang explosives and ordnance (EO) units ng PNP at AFP mula sa mga nakuhang fragments ng 60-millimeter mortar ng IED. Inaalam na rin nila ang posibleng mga suspek sa insidente.
Samantala, sinabi naman ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na malakas ang ebidensiya na ang pagsabog ay gawa ng “foreign element”.
Tumanggi muna itong magbigay ng impormasyon sa posibleng nasa likod nito upang maiwasan na ma-preempt ang imbestigasyon ng PNP at AFP.
Ani Teodoro, kailangan na sigurado ang mga awtoridad sa pagtukoy sa mga salarin upang mabigyan ng hustisya ang mga biktima sa insidente.
Kinondena naman ni Lanao del Sur Governor Mamintal “Bombit” Alonto Adiong Jr. ang insidente at tiniyak na pananagutin ang nasa likod ng pagsabog. Aniya, isa na itong uri ng terorismo.
Suspendido muna ang klase sa paaralan habang gumugulong ang imbestigasyon. Nagpakalat na rin ng dagdag security personnel para bantayan ang MSU.