Sa Marawi bombing
MANILA, Philippines — Mariing kinondena ni Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte ang naganap na pambobomba sa loob ng Mindanao State University (MSU) sa Marawi City kahapon ng umaga.
Kasabay nito, nagpaabot rin ng taos-pusong pakikiramay ang bise presidente sa mga biktima ng pagsabog. Nagpahayag din ito ng pagkabahala lalo na at nangyari ito sa loob mismo ng isang unibersidad, sa isang Katolikong simbahan.
Aniya, mapangahas ang naturang hakbang ngunit isang malinaw aniya na pagpapakita ng karuwagan.
Nanawagan rin siya sa mga Pinoy, partikular na sa mga taga-Mindanao na maging mahinahon habang nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang mga awtoridad hinggil dito.
Umapela rin siya sa publiko na maging maingat at mapagmatyag upang mapigilan ang mga posibleng susunod pang pag-atake sa mga sibilyan.
Samantala, inihayag din ni Senate President Juan Miguel Zubiri, nakakagalit at nakakabigla ang nangyaring pambobomba at para gawin ito sa mga inosenteng tao na nagmimisa ay tunay na walang puso ang may gawa.
Kinondena rin ito nina Senators Grace Poe, JV Ejercito, Jinggoy Estrada, Joel Villanueva at Imee Marcos sa pagsabing ang kasaysayan ng kawalang katarungan sa Mindanao ay hindi dapat pinapayagan na magpatuloy at hindi rin dapat maulit ang nakakabahalang Marawi siege.