MANILA, Philippines — Patay ang isang ina habang sugatan naman ang mister nito at anak sa Tagum City, Davao del Norte matapos ang magnitude 7.4 lindol na yumanig sa Hinatuan, Surigao del Sur Sabado ng gabi.
Batay sa ulat, nakilala ang biktima na si Joy Gemarino ng Brgy. La Filipina Tagum City, Davao del Norte na nasawi matapos mabagsakan ng pader ng gumuhong bahay. Dinala pa ito sa ospital subalit namatay din. Ginagamot naman ang asawa at anak nito.
Naganap ang lindol sa baybayin ng Hinatuan, Surigao del Sur alas-10:37 ng gabi nitong Sabado.
Nagsasagawa pa rin ng assessment ang Tagum City Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa insidente.
Samantala, nakapagtala naman ng 600 aftershocks, 12 sa mga ito ay may lakas na magnitude 4.2 hanggang 6.2.
Ramdam ang pagyanig sa maraming lugar sa Mindanao at maging sa ilang lugar sa Visayas, Catanduanes at Sorsogon sa Luzon.
Pinakamalakas ang intensity 7 sa Tandag, Surigao del Sur, intensity 6 sa Bislig Surigao Del Sur at Intensity 5 sa Cagayan de Oro City, Nabunturan, Davao de Oro at Davao City.
Agad na nagsilabasan ang mga empleyado ng BPO, ospital at residente sa Matina Enclaves dahil sa malakas na pagyanig.
Inalis na ng Phivolcs ang inilabas nitong Tsunami Warning.
Ayon naman kay DOST Sec. Renato Solidum, ang naganap na lindol ay isang “Big One”.