Mas tipid kung aarkila ng election machines - Comelec
MANILA, Philippines — Mas makakatipid ang gobyerno kung aarkilahin na lamang nila ang mga “election machines” na gagamitin tuwing halalan kaysa bumili at mag-maintain ng mga ito.
Sinabi ni Commission on Elections (Comelec) spokesman Atty. John Rex Laudiangco, kung rerenta ng mga election machines ay makakatipid na sila ng gastos sa hauling, sa maintenance, sa pagbobodega, at sa pagkuha ng insurance nito.
Sa ngayon, may hawak ang Comelec na higit 60 libo PCOS (precint count optical machines) at VCMs (vote counting machines) na ginamit sa mga halalan mula 2010 hanggang 2022. Ang kumpanyang Smartmatic ang nag-supply ng mga ito sa Comelec makaraang paulit-ulit na mabigyan ng award sa mga bidding ng automated election systems.
Matatandaan na diniskuwalipika na ng Comelec En Banc ang Smartmatic sa paglahok sa mga bidding para sa halalan.
Nilinaw ni Laudiangco na hindi ito dahil sa mababang kalidad ng teknolohiya ng Smartmatic at sa sinasabing iregularidad sa halalan nitong 2022.
Iginiit ng opisyal na dahil ito sa pagkakasangkot ng Smartmatic sa kaso ni dating Comelec chairman Andy Bautista na kinasuhan nitong Setyembre sa Estados Unidos dahil sa alegasyon ng “bribery” at korapsyon sa pag-award ng kontrata noong 2016.
Iginiit ni Laudiangco na nabahiran na ang reputasyon ng Smartmatic na maaaring makaapekto sa pagtingin ng taumbayan sa halalan.
- Latest