MANILA, Philippines — Masayang ibinalita ng Philippine Embassy in Israel na nakabalik na sa kanyang mga kamag-anak ang Pinay senior citizen na binihag ng Hamas sa gitna ng digmaan sa pagitan ng Israel at mga militanteng Palestino.
Ilang araw pa lang ang nakalilipas nang palayain ng Hamas si Noralyn Babadilla, na kasama na raw ang kanyang kapatid na lalaki sa isang ospital sa Tel Aviv.
Related Stories
"Ang Panginoon po ang nagsanggalang sa akin doon," banggit niya nitong Huwebes habang ipinakikita ang krus na nanatili sa kanya habang hawak ng Hamas.
"Dasal lang po ako ng dasal, pati mga kasama ko ay ipinagdasal ko din."
Umabot ng 53 araw bilang bihag si "Ate Nora" bago mapakawalan sa Gaza. Kabilang siya sa ikaapat na batch ng hostages sa naturang lugar at sumailalim na rin sa full medical at psychological evaluation.
Ayon sa Embahada, maayos ang kanyang kalusugan, nakapagsasalita't nakapaglalakad pa nga nang mainam sa gitna ng pinagdaanan.
Sinasabing bumibisita lang siya sa kanyang kaibigan sa Kibbutz Nirim kasama ang Israeli partner na si Gideon Babani nang umatake ang Hamas gunmen noong ika-7 ng Oktubre. Kasama si Gideon sa mga nasawi sa opensiba.
"Our hearts are full of gratitude and happiness to have Ate Nora back. We never gave up hope that we would find her and bring her home," wika ni Ambassador Pedro "Junie" Laylo Jr.
"The Embassy continues to be with Ate Nora as she begins a long healing process."
Humingi rin ng pasasalamat ang Embahada sa mga gobyerno ng Israel, Qatar at Egypt sa pakikipagtulungan para mapalaya ang mga hostage.
Si Babadilla ang ikalawang Pinoy na pinalaya ng grupong Hamas matapos unang i-release ang 33-anyos na si Jimmy Pacheco.
Ang lahat ng ito ay kaugnay ng "Operation al-Aqsa Storm" ng ilang Palestino, na produkto diumano ng pag-atakeng sinimulan ng Jewish settlers at bakbakan sa Jenin at Al-Aqsa mosque na ikinamatay ng higit 200 Palestino. Bukod pa ito sa deka-dekadang illegal Israeli occupation.
Una nang napagkasunduan ng panig ng Hamas at Israel na magkakaroon ng apat na araw na humanitarian truce, bagay na magreresulta sa pagpapalaya ng 50 bihag at 150 bilanggo.
Libu-libo na ang patay dulot ng naturang digmaan lalo na sa estado ng Palestine. Marami sa mga casualty sa parehong panig ay mga sibilyan, kabilang ang mga bata at mga kababaihan.