Walang peace talks sa CPP-NPA-NDF – Sec. Gibo

Defense Secretary Gilbert Teodoro
STAR/ Mong Pintolo

MANILA, Philippines — Nilinaw ni Defense Secretary Gilbert Teodoro na wala pang gumugulong na usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at CPP-NPA-NDF.

Ang paglilinaw ay ginawa ni Teodoro sa ginaganap na Armed Forces of the Philippines (AFP) Leadership Summit 2023 sa Mabalacat City, Pampanga.

Ayon kay Teodoro, tanging exploratory talks pa lamang ang nangyayari sa magkabilang panig.

Bunsod nito, tuloy pa rin ang law enforcement operations ng AFP laban sa CPP-NPA-NDF.

Sa katunayan, patuloy na tutugisin ng tropa ng gobyerno ang mga armadong grupo na banta sa katahimikan at seguridad ng bansa.

Plano ng militar na tapusin na ang communist armed conflict sa bansa ngayong taon.

Kaugnay nito, sinabi naman ni National Security Adviser Secretary Eduardo Año na hindi niya irerekomenda ang Suspension of Military Operations (SOMO) sa CPP-NPA-NDF ngayong Kapaskuhan.

Sinabi ni Año na malayo pa ang pamahalaan at NDF sa pagkakaroon ng pinal na kasunduang pangkapayapaan.

Wala naman aniyang problema sa security sector na makipag-usap sa NDF, pero hindi sila papayag sa anumang bagay na magpapalakas sa posisyon ng NDF at magsusuko sa mga tagumpay na nakamit ng pamahalaan.

Giit ni Año, hangga’t wala pang naisapinal, tuloy-tuloy lang ang operasyon ng National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kanilang layuning wakasan ang insurhensya.

Show comments