MANILA, Philippines — Hinimok ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang sambayanang Pilipino nitong Huwebes na tularan ang kabayanihan ni Gat Andres Bonifacio.
Sa kanyang talumpati sa 160th Bonifacio Day na binigkas ni Executive Secretary Lucas Bersamin, sinabi ni Marcos na si Bonifacio ay katulad ng sinumang ordinaryong Pilipino na nag-alay ng kanyang buhay sa pakikipaglaban para sa kanyang mga kababayan at Pilipinas.
“Inaanyayahan ko rin ang bawat isa na tularan ang kanilang kabayanihan at pagmamahal sa bayan, at ipakita ang mga ito sa ating pang-araw-araw na gawain,” ani Marcos.
Sinabi rin ng Pangulo na nakikita na niya ang kabayanihan ni Bonifacio sa dedikasyon at pagmamahal sa bayan ng mga manggagawang Pilipino, mga manggagawang medikal, mga guro, mga opisyal ng pulisya at militar, at mga OFW na nagdadala ng puri ng mga Pilipino sa buong mundo.
Ang bawat isa aniya ay may mahalagang tungkulin sa pagsulong ng Pilipinas at lahat ay dapat makilahok sa mga gawaing magpapayaman sa kultura, magpapaunlad ng ekonomiya at lipunan.
Hinimok din ni Marcos ang lahat na bigyang-halaga at pahalagahan ang kalayaang ipinaglaban ni Bonifacio para sa sambayanang Pilipino at Pilipinas.