MANILA, Philippines — Habang papalapit ang Kapaskuhan mas pinahigpit pa ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos ang monitoring sa mga presyo ng mga bilihing pang Noche Buena kasabay ng kanyang kautusan sa lahat ng local chief executives sa buong bansa na bumuo at siguruhin ang pagkilos ng kani-kanilang Local Price Coordinating Council (LPCC).
Tungkulin ng LPCC na protektahan ang mga mamimili sa pamamagitan ng pagsubaybay at pagtutok sa suplay at presyo ng mga pangunahing bilihin, lalo na ang mga produktong pang-Noche Buena.
Sa kanyang direktiba, dapat tiyakin ng mga LGUs ang kapakanan ng mga mamimili at sulit ang halaga ng binibili ng consumers.
Mag-iikot na rin sa mga palengke, supermarket at iba pang pamilihan upang tiyakin na stable ang suplay at nakaayon sa suggested retail price (SRP) ang binebenta nilang mga produktong pang-Noche Buena.
Kaugnay, binabalaan din ni Abalos ang mga indibidwal at pamilihan na nagbabalak lumabag sa mga alituntunin ng pamahalaan. Dapat na sundin ang SRP ng mga produkto na itinalaga ng DTI. Bawal aniya ang overpricing.