MANILA, Philippines — Nakalaya na mula sa kamay ng miltanteng grupong Hamas ng Palestine ang isa pang Filipino na bihag na si Noralyn Babadilla.
Ang paglaya ni Babadilla ay inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang opisyal na X (dating Twitter) account nitong Miyerkules.
“Just days after expressing concern for Noralyn Babadilla’s whereabouts, I am very happy to announce that Noralyn is safely back in Israel, becoming the second Filipino released from Gaza,” ani Marcos.
Sa paglaya ni Babadilla, sinabi ni Marcos na “lahat ng Pilipinong naapektuhan ng digmaan ay naitala na.”
“All Filipinos affected by the war have been accounted for.”
Inatasan na rin ni Marcos ang embahada ng Pilipinas sa Tel Aviv na ibigay ang lahat ng kailangan ni Babadila at makipag-ugnayan sa mga awtoridad.
Pinasalamatan ng Pangulo ang mga awtoridad sa Israel na naging susi sa paglaya ni Babadilla.
Maging ang pamahalaan ng Egypt at Qatar ay pinasalamatan ni Marcos dahil sa mahalagang papel na ginampanan bilang tagapamagitan sa pagpapalaya sa mga bihag.
Una nang inanunsyo ni Marcos na nakalaya na sa Hamas ang isa pang Filipino na si Gelienor “Jimmy” Pacheco.