Peace talks malaking hakbang sa pagkakaisa, pag-unlad

MANILA, Philippines — Pinuri ni three-term Congressman at kasalukuyang Quezon City Councilor Alfred Vargas ang muling pagbubukas ng peace talks sa pagitan ng pamahalaan at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na aniya ay magbibigay-daan sa pagkakaisa ng bansa.

“Nagpapasalamat tayo sa pasya ng adminis­trasyon sa ilalim ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na muling ituloy ang usapang pangkapayapaan. Ito ay makakatulong sa pagkamit ng ating mithiin na pag-unlad ng ating bansa at pag-ginhawa ng buhay ng bawat mamamayan,” sabi ni Vargas.

Anya, napapanahon ang resumption ng usaping­ pangkapayapaan sa gitna ng serious foreign policy issues na kinahaharap natin, lalo na sa sovereignty at territorial integrity.

Kamakailan ay inilabas ng pamahalaan at NDFP ang Oslo Joint Statement kung saan nagpahayag ang dalawang panig ng kanilang kagustuhang wakasan ang pinakamahabang insurgency sa Asya.

“Ngayong mas tumitindi ang pang-aapi sa mga Pilipinong mangingisda sa sarili nating karagatan­, mas kailangang magkaisa ang bawat Pilipino. Hindi natin kalaban ang isa’t isa. At iisa ang ating layu­ning­ paunlarin ang kalagayan ng ating mga kaba­bayan, sa kanayunan man o mga lungsod,” ani Vargas.

Dagdag ni Vargas, bilang dating Congress Committee Chairman on Social Services, ang isyung pangkapayapaan ay isyung pangkabuhayan din. Asahan din umano na mas aahon ang ekonomiya dahil sa mga batas na naipasa ng kasalukuyang Kongreso na siyang tutugon sa kahirapang ugat ng armed conflict.

Show comments