Christmas convoy sa West Philippine Sea, pinayagan ng NSC
MANILA, Philippines — Pinayagan na ng National Security Council (NSC) na isagawa ng Atin Ito Coalition ang Christmas convoy sa West Philippine Sea at dumaan sa general vicinity ng Ayungin Shoal.
Ayon kay NSC spokesperson Jonathan Malaya, hindi naman advisable na magtungo ang grupo ng mga sibilyan sa BRP Sierra Madre.
“The planned Christmas convoy will pass through the general vicinity of Ayungin Shoal as far as practicable, on its way to other selected PH-occupied features to bring Christmas cheer directly to our troops assigned to those areas as well as to our fisherfolks,” ani Malaya.
Nabatid kay Malaya na nagkaroon ng constructive dialogue ang mga opisyal ng NSC at Atin Ito Coalition kung saan napagkasunduan na hindi ituloy ang orihinal na plano na magtungo ang grupo sa BRP Sierra Madre dahil sa mataas na tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China.
Gayunman daraan na lamang sa general vicinity ng Ayungin Shoal at ibibigay ng grupo sa Philippine Navy at Philippine Coast Guard ang Christmas gifts at donation supplies para sa mga sundalo sa BRP Sierra Madre.
Dadalhin ito ng tropa ng gobyerno sa susunod na rotation at resupply (RoRe) mission sa Ayungin Shoal.
Pangunahing konsiderasyon ng NSC ay ang kaligtasan ng mga sibilyan dahil sa agresibong aksiyon ng China sa lugar.
Samantala, magtutungo ang grupo sa Pag-asa Island upang mamahagi rin ng regalo sa mga naka-deploy na sundalo.
- Latest