MANILA, Philippines — Nakapagtala na ang Department of Health (DOH) ng 200,000 kaso ng ILI (Influenza-like illnesses), kabilang na ang COVID-19.
Inamin ni Health Undersecretary Eric Tayag, ang kasalukuyang DOH information officer, na mas hamak na malaki ang bilang sa karaniwang 90,000 naitatala na “respiratory illnesses” tuwing panahon ng taglamig.
“Dati rati nasa 90,000 lang sa panahon na ito. Pero hindi naman lahat ng ito ay influenza, may ilan dun na tinesting namin ay COVID pala, ‘yung iba ay influenza,” ayon kay Tayag sa panayam ng TeleRadyo.
Kasunod ito ng lumalaking pangamba sa natukoy na mataas na kaso ng ILI sa Hilagang China na mino-monitor na rin ngayon ng DOH. Hinikayat din ng ahensya ang mga magulang na agad na ipa-check-up ang mga anak, lalo na ang mga sanggol na may edad tatlong buwan pababa, na nagpapakita ng sintomas ng ILI.
“Ang nakababahala dito sa China ay sapagkat kahit hindi magkalapit na lugar ay may mga ganun silang kaso sa mga bata at marami ang nao-ospital. Ngayon ang pinagsususpetsahan nila ay isang uri ng bacteria, microplasma pneumoniae subalit hindi ito nakukumpirma. Patuloy ang testing,” saad pa ni Tayag.
Sinabi niya na maraming mga eksperto ang naniniwala na ang hindi na bagong “pathogen” ang nagdudulot ng naturang mga ILI sa China.
Sa kabila nito, iginiit ni Tayag na kailangan pa ring maghanda ng Pilipinas at kailangan agad na maisailalim sa test ang pagkakasakit ng mga bata lalo na sa ubo at sipon.