Pangulong Marcos: Pagbalik ng Pinas sa ICC, pinag-aaralan

Philippines Presdient Ferdinand Marcos Jr delivers remarks during the Philippines 123 Signing Ceremony during the Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders' Week in San Francisco, California, on November 16, 2023. The APEC Summit takes place through November 17.
AFP / Frederic Brown Jr.

MANILA, Philippines — Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na pinag-aaralan na ng pamahalaan ang posibilidad na bumalik ang Pilipinas sa International Criminal Court (ICC).

“There is also a question, should we return under the fold of the ICC, so that’s again under study. So we’ll just keep looking at it and see what our options are,” ani Pangulong Marcos.

Bahagi ito ng sagot ng Pangulo nang kunan ng reaksyon hinggil sa tatlong resolusyon na inihain ng anim na mambabatas kung saan hinihikayat nila ang lahat ng sangay ng pamahalaan na payagan ang ICC na magsagawa ng imbestigasyon kaugnay sa mga extra-judicial killings na naganap sa administrasyon ni ­dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi ni Marcos na maraming options ang pinag-aaralan ng pamahalaan kaugnay sa mga resolusyong nakahain sa Kongreso.

Bukod sa pagbalik ng Pilipinas sa ICC, pinag-aaralan din ang posibleng pakikipagtulungan ng pamahalaan sa ICC para makapasok ang kanilang mga imbestigador sa kaso ng mga pagpatay sa ilalim ng Duterte administration.

Kailangan lamang umanong tiyakin na may hurisdiksyon pa ang ICC para magsagawa ng im­bestigasyon kahit na pormal nang tinalikuran ng Pilipinas ang kasunduan dito sa panahon ng ­Pangulong Duterte.

“But as I have always said, there are still some problems in terms of jurisdiction in and sovereignty. Now, if you can solve those problems then that would be something else. But, medyo fundamental ‘yung mga question na ganun,” ani Pangulong Marcos.

Kung papayagan ang ICC na magsagawa ng imbestigasyon sa Pilipinas, hindi naman aniya ito nangangahulugan na wala nang soberenya ang bansa at malaya na ang ICC na gawin kung ano ang gusto nilang gawin.

Muli nitong iginiit na hindi tama para sa mga dayuhan na tukuyin kung sino ang dapat imbestigahan o arestuhin.

“Simple lang para sa akin. Simple lang naman ‘yang isyung ‘yan. Hindi naman siguro tama na ang mga tiga-labas, mga dayuhan ang magsasabi sa atin kung sino iimbestigahan ng pulis natin, sino aarestuhin ng pulis natin, sinong ikukulong ng pulis natin. Hindi naman siguro tama ‘yun,” paliwanag pa ng Pangulo.

“Dapat Pilipino lang ang gumagawa niyan. May pulis naman tayo, may National Bureau of Investigation tayo, may Department of Justice tayo. Kaya nila ang trabahong yan, and that’s really where the conflict is,” dagdag ni Marcos.

Matatandaan na isa si Pangulong Marcos sa 17senador na nag-ratify ng Rome Statute of the International Criminal Court sa panahong nasa Senado pa siya noong 2011.

Iginagalang din ng Pangulo ang deliberasyon ng Kamara sa tatlong magkakahiwalay na resolusyon na humihimok sa pamahalaan na payagan ang mga imbestigador ng ICC.

“It’s really a sense of the House resolution and the sense, they are just expressing or manifesting the sense of the House that perhaps it’s time to allow or to cooperate with the ICC investigations,” pahayag ng Pangulo.

Show comments