MANILA, Philippines — Pinagtibay ng Supreme Court (SC) ang naunang desisyon ng Court of Appeals at Office of the Ombudsman sa hatol na guilty laban kay dating Presidential Commission on Good Government (PCGG) chairperson Camilo Sabio sa kasong “grave misconduct at conduct prejudicial to the best Interest of the service” dahil sa pakikialam umano sa isang kaso.
Sa desisyong inilabas kahapon, administratively liable si Sabio sa pakikialam sa kaso sa pagitan ng Meralco at GSIS.
Ibinasura rin ng SC ang inihain ni Sabio na petition for review on certiorari laban sa desisyon ng CA.
Ayon sa SC, ginamit umano ni Sabio ang kaniyang posisyon, kapangyarihan at impluwensya bilang pinuno ng isang importanteng ahensya hindi lang para makamit ang kaniyang “unprofessional objectives”, ngunit para makalikha ng impresyon na hindi bulag ang hustisya at kayang manipulahin ng mga makapangyarihan at may koneksyon.
Dahil wala na sa gobyerno at hindi na maaaring madismis sa serbisyo, ipinag-utos na lamang ng SC na mai-record ang hatol sa kaniyang 201 File sa Civil Service Commission.
Nangangahulugan ito na diskuwalipikado na si Sabio na humawak ng anumang posisyon sa gobyerno at kanselado na rin ang lahat ng kaniyang retirement benefits.