Ampatuan hinatulang makulong ng 210 taon sa graft case
MANILA, Philippines — Hinatulan ng Sandiganbayan 6th Division na makulong ng 210 taon si Datu Unsay Andal Ampatuan Jr. matapos mapatunayang guilty sa 21 kaso ng graft kaugnay ng ginawang pagsusuplay ng langis sa Maguindanao provincial government.
Ang paglalabas ng guilty verdict kahapon ng Sandiganbayan ay kasabay ng ika-14 taong anibersaryo ng Maguindanao massacre na ikinasawi ng 58 katao kabilang ang 32 mediamen noong November 23, 2009.
Sa desisyon ng graft court, may hanggang 10 taon ang hatol na bilanggo kay Ampatuan Jr. sa kada isa sa 21 kasong graft kaugnay ng kaso.
Pinagbabayad din ng Sandiganbayan si Ampatuan Jr ng P44.1 milyon kaugnay ng kaso.
Bukod dito, pinagbabawalan din ito na humawak ng anumang posisyon sa gobyerno.
Nag-ugat ang kaso nang magdesisyon ang Maguindanao provincial government na bumili ng diesel mula sa petrol station ng Ampatuan sa Shariff Aguak nang ang kanyang ama pa ang governor noong 2008.
Napatunayan ng korte na nakipagsabwatan ito sa kanyang ama, ang namayapang si Andal Ampatuan Sr., at iba pang opisyal ng gobyerno para mai-award ang kontrata sa pagbili ng krudo sa gasolinahan nito ng walang bidding at sa paglabas ng pondo sa kabila na hindi natapos ang delivery ng biniling diesel.
- Latest