BOCAUE, Bulacan , Philippines — Sumabog ang isang pabrika ng paputok na ikinasawi ng isang babaeng manggagawa nang maputulan ng dalawang binti, naganap sa Sitio Dam, Brgy. Bunlo ng nasabing bayan kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang nasawing biktima na si Rizza Villanueva, 45, manggagawa ng paputok at naninirahan sa Sitio Bihunan, Brgy. Bunlo, Bocaue, Bulacan.
Sa inisyal na imbestigasyon, alas-5:40 ng hapon habang gumagawa ng kwitis ang biktima sa Fireworks Trading Miracles Manufacturer na pag-aari ni Fe Camantang nang aksidenteng mag-spark ang nasabing kwitis na naging sanhi ng pagsabog ng nasabing pabrika.
Sinasabing naputulan ng kaliwang binti ang biktima dahil sa lakas ng pagsabog at nagawa pa itong maisugod ng Bulacan rescue sa Bulacan Medical Center, subalit idineklara na itong dead-on-arrival. Inaalam pa ng mga otoridad ang halaga ng natupok na pabrika na sinasabing imbakan ng mga nagawang paputok na ibebenta sana ngayong papasok ang Bagong Taon.