MANILA, Philippines — Bineberipika pa ang pagkamatay ng isang babae sa Region VIII matapos diumano mabagsakan ng puno dulot ng low pressure area at epekto ng shear line, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Sa situation report ng NDRRMC nitong Huwebes, lumalabas na 721,627 na ang apektadong populasyon ng masamang panahon:
- patay: 1
- apektado: 721,627
- lumikas: 80,358
- nasa loob ng evacuation center: 40,454
- nasa labas ng evacuation center: 39,904
Sa kabutihang palad, wala pang naitatalang nasaktan o nawawala buhat ng sama ng panahon.
Nakapagtala ng mga pagbaha at pagguho ng lupa (landslide) buhat ng mga pag-ulang dulot ng LPA at Shear Line sa mga sumusunod na lugar:
- CALABARZON
- MIMAROPA
- Bicol Region
- Western Visayas
- Eastern Visayas
- CARAGA
"A total of 103 damaged houses are reported in Region 5, Region 6, Region 8," wika pa ng NDRRMC.
Wala pa namang inilalabas ng halaga ng napinsala sa imprastruktura at sektor ng agrikultura sa ngayon.
Nagdeklara naman na ng state of calamity sa 24 lungsod at munisipalidad sa Region VIII. Dahil dito, magpapatupad ng automatic price freeze sa mga presyo ng mga batayang pangangailangan.
Nakapagbigay naman na ng nasa P29.2 milyong halaga ng ayuda sa ngayon sa mga nasalanta sa Bicol, Western at Eastern Visayas sa porma ng mga family food packs, tulong pinansyal atbp.