MANILA, Philippines — Ipinasu-surender na ng Kamara ang lahat ng mga protocol Plate 8 na inisyu sa mga Kongresista ng mga nakalipas na Kongreso at maituturing na mga expired na.
Kasunod ito ng inilabas na memorandum ni House Secretary General Reginald Velasco na nag-aatas sa mga mambabatas na isoli na ang protocol Plate 8 sa Office of the Secretary General sa lalong madaling panahon.
Nauna rito, hiniling ni Velasco sa Metropolitan Manila Development Authority MMDA) at maging ng Land Transportation Office (LTO) na hulihin ang lahat ng sasakyan na gumagamit ng plakang 8.
Nabatid na bagaman expired na ang protocol no. 8 ay marami pa rin ang ginagamit ito na namataan sa mga pangunahing highway kabilang ang EDSA.
Binigyan-diin naman ni Velasco na sa kasalukuyang 19th Congress at sa ilalim ng pamumuno Speaker Ferdinand Martin Romualdez ay walang iniisyung bagong protocol plate ang Kamara.