MANILA, Philippines — Malaki ang posibilidad na madagdagan pa ang sentensiya ng mga inmates na sangkot sa illegal drugs, baril at pampasabog sa sandaling pumasa sa Kongreso ang panukalang pagpapataw ng karagdagang 40 taon sentensiya sa mga ito.
Sa ilalim ng House Bill 9153 ni Surigao del Norte Congressman Robert Ace Barbers, gagawin ng 40 taong pagkakakulong mula sa 20 taon ang magiging sentensiya ng sinumang preso na masasangkot sa bentahan ng iligal na droga at baril sa loob ng mga kulungan.
Pagmumultahin din ng mula P5 milyon hanggang P10 milyon ang mga nagsasagawa ng illegal drugs operations sa mga piitan.
Sinabi ni Barbers, chairman ng House committee on Dangerous Drugs, layon niyang masawata ang bentahan ng mga iligal na kontrabando sa loob ng iba’t ibang kulungan sa bansa.
“This bill aims to prevent the proliferation of contraband in prison by mandating all agencies and LGUs that operate and maintain any correctional, custodial or detention facility to establish and implement a Contraband Detection and Control System,” ani Barbers.
Dagdag pa ni Barbers, kailangang maipasa ang nasabing panukala kung nais ng pamahalaan na mabuwag ang mga sindikato na patuloy na kumikilos sa loob ng mga piitan.
Aniya, matagal nang ginagamit ng mga drug lords ang mga kulungan na umano’y nagsisilbing proteksiyon ng mga ito sa kanilang mga criminal activities.
Pumasa na sa ikalawang pagbasa ang HB 9153.
Sakop nito ang lahat ng kulungan sa bansa sa ilalim ng Bureau of Corrections, Bureau of Jail Management and Penology, Philippine National Police at National Bureau of Investigation.