Mga namatayan sa lindol, inayudahan
MANILA, Philippines — Inayudahan ni House Deputy Majority Floor Leader Erwin Tulfo ang pamilya ng pito katao na namatay sa lindol sa General Santos City at sa bayan ng Glan, Sarangani kamakailan.
Personal na iniabot ni Cong. Tulfo, na siyang kinatawan ng ACT-CIS partylist, sa pamilya ng mga biktima ang tulong nang bumisita siya doon nitong Linggo ng umaga.
Si Cong. Tulfo ay inatasan ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na makipag-ugnayan sa mga lokal na opisyal ng General Santos City, Saranggani at Davao Occidental hinggil sa mga nasirang imprastraktura sa kani-kanilang lugar para maisama sa Quick Response Fund ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para pagkuhanan ng pondo para sa kalamidad.
Binigyan ni Tulfo ng tig-P25,000 ang bawat pamilya na namatayan, kabilang ang apat sa Sarangani at tatlo sa GenSan.
“Dinagdagan ko lang ang anumang tulong na naibigay na sa kanila ng gobyerno para makapanimula o makabangon silang muli,” ayon kay Tulfo. Aniya, “masakit at napakahirap mamatayan at walang bagay o anumang halaga ang maaaring ipalit sa kanila.”
Halos lahat ng mga namatay ay kung hindi natabunan ng mga gumuhong lupa, at nadaganan ng mga naglaglagang bagay dahil sa 6.8 magnitude na lindol na tumama doon noong Biyernes.
- Latest