MANILA, Philippines — Hinuli ng mga elemento ng pulisya ang isang bigtime onion smuggler sa batas ayon sa ulat ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr.
Ang suspek na si Jayson de Roxas Taculog ay inaresto sa bisa ng arrest warrant na naipalabas ng Manila Regional Trial Court kaugnay ng paglabag sa Republic Act 10845, o ang batas na nagdedeklara ng large-scale agricultural smuggling na isang economic sabotage.
Si Taculog ay nahuli dahil sa paggamit ng peke, fictitious, o fraudulent import permits o shipping documents. Bukod sa hindi pagbabayad ng tamang buwis at duties, kinasuhan din ito ng misclassification, undervaluation, o misdeclaration ng import entry at revenue declaration na naisumite sa Bureau of Customs.
Magugunitang ang DA, Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Customs (BOC) ay nakakumpiska ng P78.9 million halaga ng illegally imported agricultural goods na naka-consigned sa Taculog J International Consumer Goods Trading sa magkakahiwalay na operasyon sa Manila International Container Port (MICP) mula December 2022 hanggang January 2023.