Pacquiao, bumibisita kay Teves - DOJ
MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla ang impormasyon na bumibisita umano si dating senador Manny Pacquiao kay dating Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr. sa kinaroroonan niya sa Timor-Leste.
Sinabi ito ni Remulla kahapon makaraang iulat ang mga kaganapan sa pagbisita niya sa Timor-Leste at pakikipag-usap sa pangulo nito na si Jose Ramos-Horta.
“Teves was seen welcoming Pacquiao in Timor-Leste one time. I have no other reports on that matter but his name was mentioned among those prominent Filipinos who goes to Timor-Leste,” ayon kay Remulla.
Ayon sa kalihim, hindi niya alam ang papel o partisipasyon ni Pacquiao ngunit lumabas ang kaniyang pangalan sa mga palaging nakikitang bisita ni Teves sa Timor-Leste.
“And I would like to find out from the good senator if there is anything we can do to help him also since we are furthering our relations with Timor-Leste,” saad pa ni Remulla.
Ang pangyayaring ito ay kasunod ng pagnanais ng DOJ na mailipat ng Timor-Leste ang kustodiya kay Teves na nahaharap sa multiple murder charges, sa pamamagitan ng “rendition”.
Aapela rin ang DOJ sa pangulo ng Timor-Leste sa ilalim ng “duties of rendition” ang pagsuko kay Teves sa gobyerno ng Pilipinas para kaharapin ang mga inihaing kaso laban sa kaniya.
Sinabi ni Remulla na ipinarating na niya kay Timor-Leste President Jose Ramos-Horta ang pagnanais ng Pilipinas na makuha sa kustodiya si Teves. Kasunod nito, maghahain ang DOJ ng mga kinakailangang impormasyon at sulat sa kaniyang tanggapan para pormal na ipaalam ang mga kasong kinakaharap ni Teves.
Ang “rendition” ay ang paglilipat sa isang tao sa isang hurisdiksyon patungo sa iba, makaraang sumailalim sa legal na proseso.
- Latest