MANILA, Philippines — Kinuwestyon ni Senate Minority leader Koko Pimentel ang pag o-organisa ng Presidential Communications Office (PCO) ng mga Konsiyerto ng Palasyo ng Malakanyang.
Sa deliberasyon ng Senado para sa 2024 budget ng PCO,sinabi ni Pimentel na hindi ito mandato ng PCO at pinuna ang paglalaan ng P7 milyon para sa tinatawag na Konsiyerto sa Palasyo para sa organisa nito.
Iginiit ni Pimentel na hindi siya kontra sa pagdaraos ng konsiyerto, subalit ang hinahanap niya ay ‘justification” para maging punong abala dito ang PCO.
Paliwanag ng minority leader ang trabaho ng PCO ay magbigay kaalaman sa publiko ng mga ginagawa ng gobyerno at hindi kasama sa gawain nito ang pagiging event organizer.
Depensa naman ni Senador JV Ejercito na nag-sponsor sa budget ng PCO na ang pag-aayos ng live production para sa broadcast ay bahagi ng mandato ng ahensiya sa ilalim ng Section 6 ng Executive order (EO) No. 16.
Sinabi pa ni Pimentel na ang PCO ay primary arm ng gobyerno para sa mass media o public disclosure ng gobyerno para sa pronouncements subalit hindi niya ma-justify na sila pa ang mag-oorganisa ng konsyerto na dapat ay ibigay na lamang sa ibang ahensiya ng gobyerno.
Idinagdag naman ni Ejercito na ang konsyerto na ginagawa sa Palasyo na naglalayon na ipakita ng administrasyon na suportahan hindi lamang para sa culture and arts kundi maghatid ng mensahe ng ibat ibang isyu at accomplishment ng administrasyon.