LPA silangan ng Mindanao posible maging bagyong 'Kabayan' bukas

Huling namataan ang sama ng panahon sa layong 1,620 kilometro silangan ng Timogsilangang Mindanao bandang 3 a.m. kaninang madaling araw, wika pa ng state weather bureau.
Video grab mula sa Facebook page ng PAGASA

MANILA, Philippines — Posibleng maging bagyo ang isang low pressure area (LPA) silangan ng Mindanao sa Miyerkules — ito kahit na una na itong nalusaw sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR).

'Yan ang ibinahagi ng PAGASA sa isang weather forecast na inilabas ngayong Martes matapos unang maibalitang naging bagyo sa labas ng PAR ang ngayo'y LPA.

"Kaninang alas dos nang umaga, 'yung tropical depression o bagyo na mino-monitor natin sa labas ng [PAR] ay nag-weaken o humina at isa na ngayong ganap na [LPA]," ani PAGASA weather specialist Grace Castañeda.

"Posible itong mag-redevelop at maging isang bagyo muli sa mga susunod na araw at ito ay papasok sa [PAR] bukas ng gabi or by early Thursday."

 

 

Manatili mang LPA o bagyo, tatahakin nito ang silangang bahagi ng Mindanao kung saan ito magdudulot ng malalakas na pag-ulan lalo na sa silangang bahagi ng Visayas at Mindanao sa mga darating na araw.

Huling namataan ang sama ng panahon sa layong 1,620 kilometro silangan ng Timogsilangang Mindanao bandang 3 a.m. kaninang madaling araw, wika pa ng state weather bureau.

Babansagan itong bagyong "Kabayan" oras na maging isang ganap na tropical cyclone sa loob ng PAR, ayon sa talaan ng PAGASA.

Kung nagkataon, ito ang magiging ika-11 bagyo sa loob ng PAR at una para sa buwan ng Nobyembre.

Show comments