Rep. Garin naglagak ng piyansa sa Dengvaxia case
MANILA, Philippines — Agad naglagak ng piyansa nitong Lunes ng hapon si dating Health Secretary at Iloilo Rep. Janette Garin matapos maglabas ng arrest warrant ang Sandiganbayan dahil sa kasong graft at technical malversation kaugnay ng maanomalyang pagbili ng P3.5 bilyong halaga ng Dengvaxia vaccines noong 2015.
Una nang ipinagharap ng reklamo sa Ombudsman si Garin na ipinasa naman ang sakdal sa Sandiganbayan.
“Nagkaroon ng judicial finding of probable cause, this is the basis for the issuance of warrant of arrest and hold departure order,” anang Sandiganbayan 2nd Division pero dahil naglagak na ng piyansa si Garin at iba pang mga dating Health officials ay hindi na kailangang mag-isyu pa ng warrant of arrest laban sa mga ito.
“Posting bail is part of the agonizing process to prove our innocence. It is a crucial step in ensuring fair trial and safeguarding one’s rights,” ayon kay Garin, House Majority Leader.
Bukod kay Garin kabilang pa sa isinakdal ang mga dating Health officials na sina Gerardo Bayugo, Maria Joyce Ducusin, Kenneth Hartigan-Go at dating Philippine Children’s Medical Center Executive Director Julius Lecciones.
- Latest